Nung nakaraang araw kahit sobrang lakas ng ulan e pinapasok pa rin kami sa opisina. Lam mo naman sa call center? Walang bagyo-bagyo o holiday. No choice, nagbaon ako ng payong at jacket. Buti naman at nung papasok ako e wala pang masyadong ulan ambon pa lang. Humagupit ang bagyo bandang madaling araw na. Kahit nasa loob kami ng opisina mararamdam mo ang kakaibang lamig, di yung galing sa aircon a? Ang sarap tuloy matulog. Paglabas namin ng opisina para mag break. Ayun sumisipol na ang hangin at basang-basa na nang ulan yung harap ng opisina namin.
Alas siyite ng umaga ang labas ko. Napagdesisyonan ng opisina na mag-hire ng bus na maghahatid sa aming mga emplayado sa mga piling lugar. E tiga-QC ako tapos ang huling station na hihintuan ng bus e Cubao. Bitin! Wala rin ... Mga 3 sakay pa ako mula roon. Sabi ko hindi maganda ito, malamang makarating nga ako ng Cubao pero maiistranded din naman ako mula roon. Tinext ko si Laryuki, sabi ko punta muna ako sa bahay nila para magpalipas ng ulan tutal malapit lang naman ang bahay niya sa Cubao. Habang hiniintay ko ang sagot niya, tumawag ang pinsan ko at sinabing sumabay na lang daw ako sa asawa niya pauwi ihahatid daw ng asawa niya ang pamangkin ko dito malapit sa opis namin. Ligtas!!! Sobrang laking pasalamat ko. Ni text ko ulit si Laryuki para sabihin salamat at hindi na ako makakapunta sa bahay nila.
Alas niwebe na ng dumating ang pinsan ko sa opisina. Sa Edsa daw ang daan namin dahil siguradong lubog na ang Maynila sa mga oras na yun. Sa daan, maraming puno ang talaga naman hugot ang ugat mula sa lupa. Mga poste ng kuryenteng tumumba. Natakot ako para sa bahay ko.
Alas diyes ng makarating kami sa bahay. Ilang baha din ang dinaanan namin bago makauwi. Buti na lang at hindi tumirik yung sasakyan.
Pagpasok ko ng gate sabi ng maliit kong pamangkin na basang-basa daw ang pinto ng bahay ko. Brownout ang buong lugar namin. Pero nakahinga ako ng malalim nang makita kong walang nilapad na bubong at buo ang dingding ng bahay ko.
Pagkabihis at pagkakain ng agahan, nilapat ko na ang pagod kong likod sa sofa. Di ko namalayan nakatulog na ako sa sipol ng bagyo at paunti-unting anggi ng ulan sa aking mukha.